Mangkukulam
Basahin Ang "Mangkukulam" Sa English
Ano Ang Mangkukulam?
Mangkukulam ang tawag sa taong nagsasagawa ng ritwal para pasakitan o parusahan ang isang tao. Kadalasan ito ay matatagpuan sa mga liblib na probinsya.
Kulam, ayon sa mga sinaunang paniniwala ay sinasabing itim na kapangyarihan.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng isang ritwal at may mga kagamitan na ginagamit katulad ng manyika(voodoo doll), karayom, at dasal sa wikang latin.
May mga taong nagbabayad para isagawa ang isang pangkukulam. Ito’y mga taong may kaalitan at gustong gumanti sa paraan ng kapangyarihang itim. Depende sa kanilang kahilingan kung anong gustong mangyari sa isang tao.
Isang halimbawa ay ang pagpapalabas ng mga uod o bulate sa katawan ng isang tao. Kinakailangan ng isang mangkukulam ng kahit na anong bahagi o parte ng katawan ng taong kukulamin. Ang iba naman ay larawan ng biktima.
Kadalasan ay buhok ng isang tao , dahil ito ang pinakamabilis makuha na hindi nya namamalayan.
Ang araw ng pagsasagawa ay tuwing martes o biyernes ng hating gabi,
na ang paniwala nila ay mas epektibo ang kulam. May ritwal na gagawin ang mangkukulam, gamit ang kanyang karayom, manyika at pag aalay ng dasal. Kasabay ang pagtusok sa parte ng katawan ng manyika. Bawat tusok ay katumbas na mararamdaman ng taong kinukulam. Uod o bulate ang kadalasan na lumalabas sa katawan ng tao, magsisimulang magsuka at magkasakit ang kinukulam hanggang sa unti unti syang namamatay. Ang kulam ay minsan tumatagal ng araw o buwan, kusang nawawala at bumabalik para parusahan ng unti-unti ang isang tao.
Napipigilan ang kulam sa pamamagitan ng panggagamot ng isang albularyo na may sapat na kaalaman laban sa kulam.
Ang ibang mangkukulam ay ginagawa ito para protektahan ang kanilang angkan at ari-arian. Ang mangkukulam ay karaniwang nakatira malayo sa karamihan o nasa kagubatan. Ilang sa mga tao, bihirang makisalamuha o makipagkaibigan. Ipinapasa o ipinamamana din ito sa kanilang anak, sa takdang panahon. Ang taong pinapasahan ay dapat na may matinding paniniwala sa kapangyarihang itim.